Release The Loneliness And The Bitterness Inside
1:25 PM, Sunday, February 18, 2007 | Link to this post | 0 comments

Quiet Zone
Feb. 16, 2007, 11:30AM, 4th floor lobby, Melchor Hall, University of the Philippines, Diliman

Wala akong klase kaninang alas-diyes ng umaga kaya dumiretso ako dito. Dalawang taong ‘di ko kilala ang kasama ko ngayon. Ang isa kumakain, ang isa nag-aaral. Naupo ako sa upuan habang nakatingin sa tila kagubatang landas patungo sa kabilang dako ng unibersidad na ito. Maganda ang panahon, hindi mainit, malamig ng konti. Tamang-tama lang upang makapag-isip ng mabuti at alalahanin ang masasaya pati na rin ang malulungkot na nakaraan.

Sinalpak ko ang mga
earphones sa dalawa kong tenga at nakinig sa paborito kong musika. Kinuha ko ang constitution ng isa kong org at binasa ito para ihanda ang aking sarili sa pagtakbo bilang chairperson. Mabigat sa kalooban ko ang tumakbo, kahit pangarap ko pa man ang maging pinuno ng org na ito. Isang mabuting kaibigan kasi ang makakalaban ko. Siguradong ikalulungkot ko kung ako’y matatalo dahil noon pa man ay panay na ang kantiyaw ng mga orgmates ko na ako ang susunod na chairperson. At doon nagsimula ang pagnanais ko na maging chairperson ng org. Tinamad na ako sa pagbabasa ng constitution. Nakikinig pa rin ako sa aking musika na tila nakikisabay sa aking damdamin.

Malapit na palang mag-
expire ang unlimited text ko kaya naman nag-text ako ng isang magandang quote sa mga kaibigan ko. Isaang daan mahigit ang tinext ko. Pito ang nag-reply. 45 minutes ang ibinuhos ko para mai-send ang quote na ‘yon sa lahat ng mga numbers sa phonebook ko. Pampaubos oras talaga ang pagtetext. Lalo na kung walang distribution list ang cellphone mo.

Kinuha ko na ang mga
readings ko para mag-aral kahit konti. Simula nanaman kasi ng mga exams next week. Pero tinamada akong magbasa kaya ito sinulat ko na lang ‘to.
Malungkot ako ngayon. Mabigat ang nararamdaman. Gusto kong umiyak pero hindi ko magawa. Matagal na panahon na pala nung huli akong umiyak. Tandang-tanda ko pa yung araw na ‘yon. Ang araw kung kailan pinagsakluban ako ng langit at lupa. ‘Nung
high school, madali lang sa akin ang umiyak. Asarin mo lang ako iiyak na ako. Pero ngayon, hirap na hirap na akong ilabas ang isang patak ng luha mula sa aking mga mata. Siguro manhid na talaga ko.

Malungkot talaga ako, sobra. Hindi ko na kasi madalas makasama ang kaibigang itinuring kong higit pa sa isang kapatid. Nakakalungkot. Nakakalungkot isipin na ibang bagay na ang pinagkakaabalahan n’ya ngayon. Ibang tao na rin ang madalas niyang kasama. Hindi ko maiwasang malungkot sa tuwing nakikita ko siyang masaya kapag kasama ang iba. Parang gusto ko na lang mag-
evaporate ‘pag ganun ang mga eksena sa tambayan at sa kung saan-saan pang lupalop ng Quezon City. Hindi n’ya na ako kinakausap ng seryoso. Kakausapin niya lang ako kung kailangan niya. Kung kailangan niya lang. Hindi niya naman kasi yata ako kailangan nang kausapin pa. Kumbaga wala na siyang mahihita sa akin.

Dati, hindi namin pinaplano kung magkikita kami. Basta bigla na lang kaming magkikita sa tambayan at pupunta kung saan-saan. Pero ngayon, mas masaya pa yata siya ‘pag hindi ako kasama. Mas OK siya ‘pag ganun. Mas gusto niyang kasama ang iba. Hindi na rin ako
comfortable na makipag-usap sa kanya. Hindi ko man lang siya matignan nang diretso sa mata. Mas masaya na siya ngayon dahil mas mahal siya ng maraming tao. Kaya hindi niya na ako kailangang makasama pa. Masaya na siya sa pagpapahalagang binibigay ng ibang tao sa kanya. Mabuti na rin para sa kanya. Hindi niya na talaga ako kailanganag makasama pa.

Matagal rin kaming hindi nag-usap at nagpansinan. Kamakailan lang ay
tinext ko siya at sinabi kong nami-miss ko na siya. Sinabi niya rin na miss niya na raw ako pero hindi niya ako makausap dahil parang ayaw ko raw makipag-usap sa kanya. Napatunayan ko na hindi pa nya talaga ako lubos na kilala. Hindi ko rin alam kung totoo bang nami-miss n’ya talaga ako o sinabi niya lang ‘yon dahil naaawa siya sa akin. Pero pinaniwalaan ko pa rin siya sa mga sinabi niya. Ako na yung nakpakababa kumbaga.

Hay nako!!
Bitter talaga ako. Ewan ko kung bakit ko laging kinukumpara ang sarili ko sa kanya sa lahat ng bagay? Parang lagi akong nakikipag-kumpitensya sa kanya. At siya lagi ang nananalo. Kailanman hindi pa ako nanalo sa kanya. Siguro gusto ko lagi ako ang napapansin kaya parang nakikipag-kumpitensya ako sa kanya. Siya lagi kasi ang bida dahil mas magaling siyang mag-joke at bumanat ng mga pick-up lines. At sa totoo lang, mas minamahal ang tao dahil magaling siyang mag-joke at humirit lalo na kung may taong hinihiritan at napagtatawanan/nasasaktan dahil sa ‘well-delivered’ na punch line/joke. At mas-gwapo siya sa akin. May kilala ako na nagkaka-crush sa kanya. ‘Pag magkasama kami, siya lagi ang unang binabati, siya ang unang nilalapitan. Minsan hindi na nga ako pinapansin ng mga taong bumabati sa kanya. Kung papansinin man ako, isang napakalamig na ‘Hi Gian!’ lang ang maririnig ko. Minsan kailangan ko pa talagang magpapansin para ipadama sa kanila ang presensiya ko. Pero kahit ano gawin ko, mas gusto siyang kumustahin at kausapin ng mga tao. Hindi niya na kailangang magpapansin dahil siya lagi ang napapansin. Ako ay isang apparisyon lang sa tabi niya.

Medyo ayos na kami ngayon (ayos na nga ba?). Nagkukulitan na kami at nag-uusap na ulit. Pero hindi ako kuntento sa mga ganun ganun lang. Medyo
sentimental kasi akong tao kaya gusto ko ang mga heart-to-heart talks. Mushy akong tao, siya hindi. Hindi siya comfortable sa mga ganun dahil sabi niya, hindi siya ganu’ng tao.

Teka, bakit ba ako nag-aalburoto nang ganito? Wala naman yata akong karapatang sabihin ang mga ito dahil kahit minsan, ‘di niya ako itinuring na isang kaibigan. Kailanman hindi ko naramdaman na nagtitiwala siya sa akin. Pakiramdam ko ibinigay ko lahat nang pagtitiwala ko sa kanya. Pakiramdam ko nasabi ko na sa kanya ang lahat lahat tungkol sa akin. Pero wala pa sa kalahati ang alam ko tungkol sa kanya.

Hindi ko alam sa kanya kung bakit minsan hindi niya nahahalata na may mabigat akong problema at kailangan ko nang mapagsasabihan nito. Wala yata talaga siyang pakialam sa akin. Bakit ako na lang lagi ang nagpapakababa? Bakit ako na lang lagi ang lumalapit sa kanya? Bakit kailanman hindi niya nagawang lapitan ako at kausapin? Bakit ako na lang ang laging talo? Buti pa siya, madaling makalimot kaya hindi niya kailangang malungkot tulad ko.
Sinubukan ko nang kalimutan ang lahat pero hindi ko magawa. Lalo ko lang siyang naaalala ‘pag sinusubukan ko siyang kalimutan. Lalo ko lang hinahangad na bumalik ang dating samahan. Hindi ko alam kung pinahalagahan niya ako tulad ng pagpapahalaga ko sa kanya noon. Mas mabuti pa sigurong manahimik ako at huwag banggitin ang kahit ano tungkol sa mga nararamdaman ko. ‘Di naman n’ya kasi nararamdaman talaga ang lahat ng nararamdaman ko. Mababaw siguro ang pagtingin niya sa ‘kin. Ayoko na ring magkaroon ng mga kaibigang magsasabing concerned sila sa’yo pero sila ang unang taong magpapahiya/magpapahamak sa’yo…

Labels: , , , ,

- Gian

0 Comments:

Post a Comment